Umulan Man o Umaraw, Kaya ni Alex

Umulan man o umaraw kaya ni Alex- X-FILES SPORTS- Linggo, Hulyo 18,2010

 

 

Hindi alintana ng sikat at medyo kontrobersyal na basketbolistang si Alex Crisano kung umuulan o umaaraw man. Rain or shine, wika nga. Basta ginagawa niya ang kanyang makakaya sa kahit anong klase ng panahon, maging sa gitna ng bagyo.

 

Matapos maglaro para sa koponan ng Barangay Ginebra at Red Bull, nabanggit ni Crisano na interesado siyang maging parte ng Rain or Shine Elasto Painters bilang sentro. Sa ngayon, walang sentro ang Rain or Shine na maaaring pumantay sa matipunong katawan ni Crisano o pumaris man sa kanyang husay sa basketbol.

 

Ang manlalaro na tumatayong 6’7” ay sampung taon na sa PBA at tatlong championship na ang kanyang narating kaya naman siguradong magiging asset siya ng Rain or Shine. Si Crisano, na talaga namang nakakondisyon ang halos perpektong katawan, ay naniniwalang matutulungan niya ang Rain or Shine na magkamit ng titulo sa PBA.

 

“Kailangan ng Rain or Shine ng ningas, ng apoy. At kaya kong ibigay yung sa kanila,” sabi ng manlalaro sa wikang Ingles. Nais ni Crisano na makasungkit ng isa pang championship bago siya magretiro mula sa PBA, kahit pa malayo pa naman bago mangyari iyon.

 

Ang manlalarong ipinanganak sa New York ay kaibigan ng mga Fil-Am ding manlalaro ng Rain or Shine—ang guard na si Sol Mercado at guard/forward na si Gabe Norwood, na parehong mas maliit kay Crisano. Ang tatlong Am-boys na ito ay kayang-kayang maging local counterpart ng dream team ng Miami Heat na sina LeBron James, Dwayne Wade, at Chris Bosh. Ang tatlong manlalaro ng NBA ay tinaguriang power trio, at sinasabing pinakalamakas at pinakamahusay sa kasaysayan ng NBA. Sina James, Wade at Bosh ay naglaro sa iisang team sa Beijing Olympics kung saan sila nag-uwi ng gintong medalya para sa Estados Unidos.

 

“Kaya naming maging dream team ng PBA,” sabi ni Crisano, habang kinukumpara ang sarili sa five-time  NBA All-Star na si Bosh. Si Bosh ay nananatiling lider ng Toronto team kung saan siya unang naglaro sa aspeto ng puntos, rebounds, blocks, double doubles, free throws at minutong nilaro. Pareho sina Crisano at Bosh na may ginintuang puso na tumutulong sa kapwa. Si ay nagtatag ng Chris Bosh Foundation para sa mga kabataan sa Dallas at Toronto, habang si Crisano naman ay tumutulong sa isang foundation para sa mga batang kalye.

 

Lagi umanong nakikita si Crisano kamakailan na kasama ang mga alamat sa boksing na sina Manny Pacquiao at Gerry Peñalosa. Marami tuloy ang nagsasabing iiwan na niya ang basketbol at maglalaro na ng boksing. Nabalitang inimbita ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) si Crisano na sumali sa national team bilang isang heavyweight boxer ngunit nais noon ni Crisano na manatili sa basketbol. Sinabi niyang may posibilidad na maging boksingero siya kung hindi siya nanatili sa PBA.

 

“Si Gerry ang aking Rocky Balboa. Siya ay isang alamat. Iniidolo ko siya dahil siya ay may mababang-loob at nakakatawa tulad ko. Pareho kaming entertainer,” sabi ni Crisano sa Ingles. Syempre pa, idolo din niya ang pound-for-pound king na si Manny Pacquiao at nais niyang mapabilang sa entourage ng People’s Champ. Ang tatlong ito ay mga sports icons  na pare-pareho ang prinsipyo sa buhay. #